Monday, November 2, 2015

Kalye Kronikels 4 - Guni-guni, gunita, bus at busina

Byahe mula Laguna pa Manila. Napatingin sa bintana, nalunod sa sariling diwa.

1. Ang ganda ng Langit, ang daming kulay, ang galing mag paint ng Master Painter. Kung ginawa nya kayang plain lang, Isang kulay lang, walang shades, walang halo. Nakakaumay siguro. Kaya nga favorite part ng araw ko ang takipsilim at ng bukang liwayway. Ang ganda kasi ng langit tingan, pag nagdadapit hapon na, pagod ka na at gusto mo na sumuko pero sa tuwing makikita mo ang langit bago lumubog ang araw, nakakarefresh. Para bagang sinasabi na, oh, tapos na ang araw na to, pahi-pahinga din, bukas may bagong umaga. Ayiiie! 


2. Pagkakapare-pareha, bigla namang nagflash sakin ang mga nagfile ng COC for president para sa halalan2016. Putris! Ang saya saya, ang dami palang gustong maging pangulo. Nakakatawang isipin na ang halalan sa pilipinas ay parang karnibal sa piyestahan lang. Ang kulay, sobrang kulay. Iba-ibang personalidad, iba-ibang nilalang, iba-ibang hayop. Ngunit, sa bawat pagkakakilanlan ng mga nangarap at sumubok, nasasalamin ang kulay ng ating pagkapilipino. Nagmumukhang kahangalan ang pangarap na pagbabago. Sinanay na natin ang sarili natin sa kung ano lang ang meron tayo. Ang mga hamak na may matayog na pangarap ay nababansagang hangal at ang mga kilalang personalidad na ang pangarap ay pansarili lamang, nababansagang banal. 

3. Kahit kelan ayoko ng pulitika, masyado syang malansa para sakin. Di ako uubra sa ganung kalakaran, ni di mo na malaman kung sino ang tao sa kanila at kung sino ang alien. 

4. Katalinuhan at pagkatao - Nasusukat ba ang katalinuhan sa pagiging matatas sa wikang Ingles? Nakakalungkot isipin na gagawing katatawanan ang maling baybay, maling bigkas, maling balarila. Di ko mapagtanto na bakit kailangan pagtawanan pa? Di ba pwedeng tulungan? May nagsabi na mapagpanggap daw ang mga nagsasalita ng wikang banyaga kahit di nila kabisado. Wala bang konsiderasyon? Di ba, di naman talaga yan ang pangunahin nilang wika. Bakit kung sa wikang Filipino kung saan inaasahan na LAHAT TAYO ay bihasa dito, wala kang maririnig na komento sa maling baybay o balarila kung tagalog ang nagsalita o nagsulat. Ngunit, kung taga ibang rehiyon na hindi yun ang kanilang pangunahing wika, tiyak makakarinig ka ng pagkutya.


Ganyan na ba talaga sa Pilipinas? Ganyan na ba tayong Pilipino? Ganyan ba ang kultura at pag-uugali na pinamana ng ating mga ninuno? Sa matulin na takbo ng bus na nasakyan ko, mabagal pa din ang usad ng trapiko. Busina po, pakisuri ang sarili at magpreno.
   

Random thoughts - Magulong utak

Nakakatuwa ang Social Media, akala ko wala akong mapupulot dun. After 10 years kasi ng pagiging member ng ibat-ibang social networking sites, narealize ko na masyado pala syang pang narcissistic.

Sa palagay ko, di sya nagiging healthy kasi karamihan nagpupumilit bumuo ng isang perpektong imahe ng sarili nila. Panay ang post ng mga masasayang pictures; pictures ng ideal life nila.

May mga tao naman na bitter, walang ginawa kundi ang magstalk kung sino ang successful, sino ang masaya, sino ang maraming gala, kumakain kung saan saan at may pogi/magandang jowa. Pagkatapos, mag-eemote, magse-self pity at gagamitin ang social media para sa mga hinaing ng di pagkakuntento sa kanilang buhay, sa mga kamalasan at sa mga bagay bagay na beyond sa kanilang control.

May worse pa, yung mga taong bitter ngunit ayaw kumilos para umunlad, ginagawa nalang hatakin ang iba pababa, ginagawa nila ang magbash / manglait, mang okray at mang-away para makakuha ng attention at higit sa lahat ma achieve ang self satisfaction.

Siguro nung naconceptualize ang mga gantong sites, di naman siguro ito ang vision ng mga web developers. Ginawa nila to para mapadali ang communication, para mas madali mahanap ang mga nawawalang kaibigan, kamag-anak at kakilala. Hindi siguro nila naisip na magiging narcissistic lalo ang dati nang narcissistic. 

Unfair siguro ang opinyon ko. Pasensya na pero yun talaga ang naging impression ko.

Kalye Kronikels 3 - Sama ka sa biyahe ko!

November 1, Araw ng mga Banal.

Sakay sa isang pampasaherong jeep papuntang Manila, NFS ang peg ni Manong Driver. Nagmamadali, para bagang naglalaro ng arcade game. Paunahan makarating sa finish line. Di inaalintana ang mga pasaherong tumatalsik pakanan-pakaliwa, papunta sa harap at pabalik sa likod. Di na sya naghangad na may sumakay pa at humabol sa biyahe nya. Di nya na naisip ang mga pasaherong gusto ng bumaba. Di na pinakinggan ang pagpara ng mga pasaherong nakarating na sa kanilang paroroonan.

Makalipas ang ilang sandali, natauhan din sa Manong, nagtawag ng pasahero. "Sakay na, Sakay na. Derecho na to pasementeryo. Dun ko napagtanto, kaya pala kami nagmamadali. Kaya pala wala syang pakialam, sa sementeryo pala ang tuloy namin. :)

Ang buhay nga naman, parang biyahe ni Manong Driver, lagi tayong nagmamadali. Wala na tayong pahanon silipin ang bintana ng jeep at tingnan ang nadadaanan. Wala na tayong panahon na pakinggan ang pagsusumamo ng iba. Wala na tayong panahon na papasukin ang ibang tao sa buhay natin. Wala na tayong panahon na isipin na nakakasakit pala tayo. Wala na tayong panahon lumingon sa likod at kamustahin ang mga pasaherong sakay natin. Di na natin naaalala na di pala tayo nag-iisa sa biyaheng ito. Nagmamadali kasi tayo. Nagmamadali na makarating sa pupuntahan. Nagmamadali papuntang sementeryo.